IKA-36 REGULAR SESSION NG IKA-13 SANGGUNIANG BAYAN NG TANZA
Sangguniang Bayan ng Tanza
Mamamayan Muna para sa Bayan ng Tanza
07/05/2026
Aprubado na ng Sangguniang Bayan ng Tanza ang Supplemental Budget No. 1 para sa taong 2026 na may kabuuang halaga na ₱224,772,400.00
Ipinapakita sa mga opisyal na dokumento kung saan eksaktong kukunin ang pondo (Sources of Funds) at kung saang mga opisina at proyekto ito gagastusin. Ang kabuuang ₱224.7 Milyon ay nahahati sa dalawang pangunahing kategorya: ang ₱46.5-M Realigned Funds at ang ₱178.2-M Additional Supplemental Budget.
Ayon sa isinumiteng breakdown, ang halaga ay kukunin mula sa mga sumusunod na pondo ng lokal na pamahalaan:
a. Prior Year Savings (FY 2025): ₱161,863,344.00
b. 20% Development Fund (2025 at 2026): ₱46,550,400.00 (Mula sa mga kinanselang proyekto)
c. Tanza Public Hospital (Personal Services): ₱13,358,656.00
d. Office of the Municipal Mayor (Consultancy Services): ₱3,000,000.00
KABUUAN: ₱224,772,400.00
Mula sa kabuuang halaga, aabot sa ₱178,222,000.00 ang inilalaan bilang karagdagang badyet para sa iba't ibang departamento. Ang pinakamalaking bulto nito ay mapupunta sa Office of the Mayor na humihingi ng ₱161,681,975.00.
Narito ang paghihimay ng hinihinging pondo sa ilalim ng Office of the Mayor:
a. Environmental Services: ₱128,000,000.00 (Ito ang may pinakamalaking alokasyon sa buong supplemental budget)
b. Job Order (JO) Employees Compensation: ₱21,500,000.00
c. Admin Support Services: ₱8,000,000.00
d. Proposed Permanent Employees: ₱4,181,975.00
Ang natitirang bahagi ng ₱178.2-M ay paghahatian ng iba pang departamento:
a. Subsidies and Donations: ₱5,500,000.00
b. Municipal Engineer/Building Official: ₱5,202,611.00
c. Other Programs and Projects: ₱4,000,000.00
d. General Services Officer (GSO): ₱915,581.00
e. Office of the Sangguniang Bayan (Terminal Leave): ₱691,920.00
f. MDRRMO: ₱229,913.00
Bukod sa ₱178.2-M, nakapaloob din sa grand total ang ₱46,550,400.00 na realigned funds mula sa mga kinanselang proyekto. Ito naman ay gagamitin pambili ng sampung (10) Electric Public Utility Vehicles (₱32-M), pagpapagawa ng canal lining sa Biwas-Daang Amaya II (₱6-M), pag-aaspalto ng kalsada sa Bagtas (₱5-M) at Hugo Arca (₱1-M), pagpapatayo ng Animal Shelter sa Capipisa (₱2-M), at pagsasaayos ng Multi-Purpose Hall sa Punta II (₱550,400.00).
07/05/2026
Aprubado na ng Sangguniang Bayan ang panukalang re-alignment o paglilipat ng pondo ng pamahalaang lokal na nagkakahalaga ng kabuuang ₱46,550,400.00.
Ayon sa mga opisyal na dokumentong inilatag sa Sangguniang Bayan, ang ₱46.5 milyong pondo ay hindi bagong utang o dagdag na buwis. Ito ay kukunin mula sa pinagsama-samang badyet ng mga proyektong hindi na itutuloy (discontinued o cancelled) mula sa mga nakaraang taon:
Kabilang sa mga kinansela ang pagpapagawa ng police substation at mga ilaw sa kalsada sa Capipisa, pagpapaayos ng health center sa Tres Cruses, at improvement ng mga basketball court sa Julugan I at VIII.
Ang pinakamalaking tipid ay nagmula sa kinanselang ₱20-M na concreting ng kalsada sa Sanja Mayor. Hindi na rin itutuloy ang aabot sa ₱3-M pambili sana ng medical equipment para sa Tanza Public Hospital, pati na ang ilang proyektong kalsada at canal lining sa iba't ibang barangay.
Dahil nakansela ang mga nabanggit na proyekto, iminungkahi ng ehekutibo na ilipat ang naipong ₱46,550,400.00 sa anim (6) na bagong prayoridad ng bayan para sa taong 2026.
Ang pinakamalaking bahagi ng inilipat na pondo ay mapupunta sa modernisasyon ng transportasyon. Narito ang buong listahan ng mga bagong proyekto:
₱32,000,000.00 – Pagbili ng sampung (10) yunit ng Electric Public Utility Vehicles (E-PUV).
₱6,000,000.00 – Pagpapagawa at pagsasaayos ng canal lining sa boundary ng Barangay Biwas at Daang Amaya II.
₱5,000,000.00 – Asphalt overlay o pag-aaspalto ng kalsada sa Barangay Bagtas.
₱2,000,000.00 – Konstruksyon ng isang Animal Shelter Facility sa Barangay Capipisa.
₱1,000,000.00 – Asphalt overlay ng Hugo Arca Street sa Barangay Biwas.
₱550,400.00 – Pagpapaayos ng Multi-Purpose Hall sa Barangay Punta II.
IKA-34 REGULAR SESSION NG IKA-13 SANGGUNIANG BAYAN NG TANZA
06/05/2026
Abangan ngayong araw ang ika-34 Regular Session ng 13th Sangguniang Bayan ng Tanza sa pangunguna ni Vice Mayor Munding Del Rosario.
Isasalang na sa plenaryo ang mga panukala patungkol sa pondo at serbisyo ng bayan. Narito ang mga pangunahing agenda (Order of Business) na tatalakayin ng ating mga mambabatas:
📌 IKALAWANG PAGBASA (2nd Reading) AT PORMAL NA DELIBERASYON NG MGA PONDO: Matapos idinefer at suriin ng komite, pormal nang isasalang sa ikalawang pagbasa ang mga sumusunod na urgent na kahilingan ng ehekutibo:
a. ₱224,772,400.00 na Supplemental Budget No. 1 para sa CY 2026.
b. ₱46,550,400.00 na Re-Alignment para sa 20% Development Fund (2025-2026).
c. Pagsasama ng 1st Supplementary Programs, Projects, and Activities (PPAs) sa 2026 Annual Investment Program (AIP).
d. Paglikha ng 34 na karagdagang posisyon sa LGU (18 Permanent, 1 Coterminous, at 15 Casual) para umano sa mas mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mga nasasakupan.
📌 PAGSASAAYOS SA POSISYON AT SWELDO NG MGA EMPLEYADO (First Reading):
a. Panukalang itaas ang Salary Grade (SG) ng Pharmacist 1 sa Municipal Health Office mula SG 10 patungong SG 11, alinsunod sa Index of Occupational Services ng gobyerno.
b. Pagpapalit ng titulo (Change in Nomenclature) ng Local Revenue Collection Clerk II patungong Revenue Collection Clerk II sa ilalim ng Office of the Treasury.
📌 PONDO NG SANGGUNIANG KABATAAN (Committee Reports):
Iuulat ni SB Member Niño Federico B. Matro, Chairman ng Committee on Finance, ang pag-apruba sa pondo at Annual Barangay Youth Investment Program (ABYIP) para sa taong 2026 ng mga Sangguniang Kabataan mula sa:
a. Poblacion III
b. Paradahan I
c. Halayhay
d. Daang Amaya III
Naging paksa ng paglilinaw sa Sangguniang Bayan ng Tanza ang natuklasang hindi pagkakatugma o discrepancy sa isinumiteng Minutes of the Meeting ng Local Development Council (LDC).
Sa isinagawang pagsusuri ng konseho sa mga dokumento, napansin na opisyal na nakatala bilang "Present" o dumalo sa nasabing LDC meeting sina Konsehal Derek Matro, at Mayor SM Matro. Gayunpaman, lumabas sa manifestation at talakayan ng Sangguniang Bayan na hindi nakadalo ang mga nabanggit na opisyal sa nasabing pagpupulong.
Dahil sa pagkakaibang ito, humihingi ng pormal na paglilinaw ang Sangguniang Bayan upang maipaliwanag kung paano naitala ang maling attendance sa nasabing dokumento.
Layunin ng konseho sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Raymundo “Munding” A. Del Rosario na masiguro ang tamang record-keeping at mapanatili ang tamang proseso sa lahat ng transaksyon at pagpupulong ng iba't ibang ahensya ng lokal na pamahalaan, lalo na sa usapin ng Supplemental Budget.
Naging diskusyon sa Sangguniang Bayan ang hiling ng ehekutibo na maglabas ng karagdagang Php 21.5 Milyon mula sa kaban ng bayan upang ipasweldo umano sa mga Job Order (JO) employees ng munisipyo.
Naging sentro ng maiinit na diskusyon ang nasabing budget matapos ungkatin ng kapulungan ang napakalaking pondo na nakalaan na para dito sa ilalim ng bagong-pasang 2026 Annual Budget.
Lumbas sa pagdinig na mayroon nang nakalaang Php 123 Milyon sa kasalukuyang taunang badyet na eksklusibong nakaprograma para sa sahod ng mga JOs.
Dahil dito, mariing kinuwestiyon ng konseho kung bakit nangangailangan agad ng karagdagang P21.5 Milyon gayung nasa unang bahagi pa lamang ng taon. Ang malaking tanong na naiwan sa sesyon ay kung ubos na ba agad ang 123 milyong piso.
Mas naging malalim ang imbestigasyon nang himayin ang mga numero. Kung susumahin ang pondong inilalaan para sa mga JO, lumalabas na kaya nitong tustusan ang nasa higit-kumulang 2,000 empleyado na sumasahod ng tig-P10,000.
Dahil dito, ipinagpaliban ng Sangguniang Bayan ang pag-apruba sa supplemental at realignment ng budget.
Matapang na pinigilan at ipinagpaliban (deferred) muna ng Ikalabintatlong (13th) Sangguniang Bayan ang pag-apruba sa humigit-kumulang na P271 Milyong pisong karagdagang pondo at re-alignment na hinihingi ng ehekutibo.
Ito ay matapos mariing kwestiyunin ni Vice Mayor at Presiding Officer Raymundo “Munding” A. Del Rosario ang agarang pangangailangan para sa napakalaking halaga, gayung kapapasa lamang ng bilyun-bilyong taunang badyet ng bayan.
Sa isinagawang pagdinig, pormal na idinefer ang Php 224,772,400.00 na Supplemental Budget No. 1, maging ang Php 46,550,400.00 na Re-alignment fund, at ang paglikha ng karagdagang plantilla, co-terminus, at casual positions sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Vice Mayor Munding, hindi dapat minamadali ang pag-aapruba sa kaban ng bayan. Ipinunto ng Bise Alkalde na noong nakaraang buwan lamang ay pormal nang naaprubahan ng konseho ang 2026 Annual Budget ng LGU na nagkakahalaga ng ₱1,542,600,000.00 (P1.54 Bilyon).
Bilang pagtupad sa kanilang mandato na protektahan ang pera ng Bayan, inatasan ni Vice Mayor Munding ang buong konseho na pag-aralan muna ang panukala.
IKA-33 REGULAR SESSION NG IKA-13 SANGGUNIANG BAYAN NG TANZA
28/04/2026
Sumalang sa masinsinang pagbusisi ng Ikalabintatlong (13th) Sangguniang Bayan ang panukalang karagdagang pondo ng Bayan ng Tanza matapos isagawa ang isang espesyal na Committee Meeting ngayong araw, ika-28 ng Abril.
Pinangunahan ng Committee on Finance, Budget, Appropriations & Ways and Means sa ilalim ng pamumuno ni SB Member Hon. Niño Federico B. Matro ang malalimang paghimay sa Supplemental Budget No. 1 para sa CY 2026 na nagkakahalaga ng Php 224,772,400.00.
Matatandaang ang nasabing pondo ay pormal na inilatag at hiniling ni Tanza Mayor SM Matro bilang "urgent" noong nakaraang 32nd Regular Session upang tustusan ang mga karagdagang programa, serbisyo, at mga pangangailangan ng bayan na hindi sakop ng orihinal na taunang badyet.
Bilang bahagi ng tapat at malinaw na pamamahala sa ilalim ng direktiba ni Vice Mayor at Presiding Officer Raymundo “Munding” A. Del Rosario, inisa-isa ng komite ang bawat detalye at alokasyon ng nasabing supplemental budget.
Layunin ng pagpupulong na ito na kuwestiyunin, suriin, at siguruhin sa mga kaukulang departamento ng lokal na pamahalaan na ang bawat pisong ilalabas mula sa kaban ng bayan ay may malinaw na paggagamitan at direktang babalik bilang de-kalidad na serbisyo publiko para sa mga Tanzeño.
Matapos ang naging talakayan at paglilinaw sa mga detalye ng pondo ngayong araw, inaasahang bubuuin na ng komite ang kanilang pinal na Committee Report. Ang ulat na ito ang magiging batayan upang isalang ang P224.7-M Supplemental Budget sa Second and Final Reading para sa posibleng pormal na pag-aapruba ng buong Sangguniang Bayan sa mga susunod na sesyon.
22/04/2026
Naging siksik sa mga panukala para sa pondo, serbisyo publiko, at kalusugan ang isinagawang Ika-32 Regular Session ng Ikalabintatlong (13th) Sangguniang Bayan ng Tanza ngayong araw, ika-22 ng Abril, 2026.
Sa pangunguna ni Vice Mayor at Presiding Officer Raymundo “Munding” A. Del Rosario, mabilisang inaksyunan ng konseho ang mga "urgent" na kahilingan ng ehekutibo at tuluyan nang isinalang sa pinal na pagbasa ang nirebisang ordinansa para sa mga medical missions.
Binasa sa plenaryo ang mga urgent na liham mula kay Mayor Archangelo B. Matro upang hilingin ang pag-aapruba sa Supplemental Budget No. 1 para sa taong 2026, na nagkakahalaga ng Dalawandaan Dalawampu't Apat na Milyon, Pito't Daan Pitumpu't Dalawang Libo, Apat na Raan Piso (Php 224,772,400.00).
Kasabay nito, inilatag din ang panukalang Re-Alignment ng 2025 hanggang 2026 Twenty Percent (20%) Development Fund ng munisipalidad na umaabot naman sa Apatnapu't Anim na Milyon, Limandaan Limampung Libo, Apat na Raan Piso (Php 46,550,400.00). Humiling din ang alkalde na isama ang mga unang Supplementary Programs, Projects, and Activities (PPAs) sa 2026 Annual Investment Program (AIP) ng Tanza.
Upang mas mapabilis at maging mas epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa mga Tanzaniano, isinulong din ang paglikha ng mga karagdagang posisyon sa lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga bubuuing posisyon ay ang labing-walong (18) Permanent Positions, isang (1) Coterminous position, at labinlimang (15) Casual positions.
Matapos ang maiinit na diskusyon at serye ng Committee Meetings noong mga nakaraang linggo, pormal nang isinalang para sa 2nd and Final Reading ang nirebisang panukala patungkol sa mga misyong medikal.
Ang Proposed Ordinance No. 08-2025, na iniakda ni SB Member Alexis B. Dones (Chairman ng Committee on Health, Nutrition and Population), ay mayroon na ngayong bagong titulo: "An Ordinance Mandating Coordination and Safety Protocol for Medical, Dental and Optical Missions within the Municipality of Tanza, Cavite". Mapapansin na nakapokus na lamang ito sa "Coordination and Safety Protocol," alinsunod sa napagkasunduan ng konseho na alisin ang mabibigat na penalties at mga permits para sa mga doktor na nagbibigay ng libreng serbisyo.
Samantala, nagpatuloy din ang pag-aapruba sa pondo ng mga kabataan. Inilatag ni SB Member Hon. Niño Federico B. Matro ang Committee Report No. 49-s-2026 na pormal na nag-aapruba sa Annual Barangay Youth Investment Program (ABYIP) para sa CY 2026 ng mga Sangguniang Kabataan ng Julugan VIII at Amaya I. Sumalang din sa unang pagbasa ang hiwalay na SK budget ng Julugan VI na nagkakahalaga ng Php 938,044.50.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Location
Category
Website
Address
Antero Soriano Hi-way
Tanza
4108
Opening Hours
| Monday | 8am - 5pm |
| Tuesday | 8am - 5pm |
| Wednesday | 8am - 5pm |
| Thursday | 8am - 5pm |
| Friday | 8am - 5pm |
