11/09/2021
Ginugunita natin ngayong araw ang ika-65 anibersaryo ng kamatayan ni Carlos S. Bulosan, bantog na nobelista, manunula at tubong Binalonan, Pangasinan.
Dahil sa kahirapan ng buhay sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano, nagpasya siyang magtungo sa Estados Unidos kung saan napunta siya sa iba’t-ibang mga trabaho na mababa ang pasahod tulad ng pagiging manggagawa sa plantasyon at pabrika ng mga de-lata. Dagdag pa sa mga kinaharap niyang pagsubok ang rasismo sa mga tulad niyang Asyano.
Marami siyang naiwang mga sulatin subalit maituturing na pinakatanyag ang “𝐴𝑚𝑒𝑟𝑖𝑐𝑎 𝑖𝑠 𝑖𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝐻𝑒𝑎𝑟𝑡” na bunga ng kanyang buhay at mga karanasan bilang isang Pilipinong migranteng manggagawa sa Amerika. Kadalasan itong kahingian na babasahin sa 𝐴𝑠𝑖𝑎𝑛-𝐴𝑚𝑒𝑟𝑖𝑐𝑎𝑛 𝑠𝑡𝑢𝑑𝑦 𝑝𝑟𝑜𝑔𝑟𝑎𝑚𝑠 sa Estados Unidos sa kasalukuyan.
Ipinagdiriwang ngayong araw ang ”Carlos Bulosan Day” sa Binalonan, Pangasinan bilang pagpupunyagi kay Bulosan bilang anak ng Binalonan. Ito ay mula nang maipasa ng Binalonan Municipal Council ang 𝑂𝑟𝑑𝑖𝑛𝑎𝑛𝑐𝑒 𝑁𝑜. 2006-01 noong 2006 na nagtatakda tuwing Septyembre 11 bawat taon ng nasabing pagdiriwang.
Mula sa mga pagsubok na pinagdaanan ni Bulosan at ng kanyang mga kapwa migrante sa kanyang panahon, dalangin namin ang palagiang kaligtasan ng mga Pilipino ngayon na nasa ibang bansa, migrante man o OFW, na dumadaan naman ngayon sa pagsubok ng panahon ng pandemya.
MGA BATIS:
Cardinoza, Gabriel. “Bulosan unknown even in hometown.” 𝑃ℎ𝑖𝑙𝑖𝑝𝑝𝑖𝑛𝑒 𝐷𝑎𝑖𝑙𝑦 𝐼𝑛𝑞𝑢𝑖𝑟𝑒𝑟, Septyembre 14, 2016. https://newsinfo.inquirer.net/815066/bulosan-unknown-even-in-hometown
University of Washington Libraries. “Biography / Overview.” Author, Poet, and Worker: The World of Carlos Bulosan. Accessed September 9, 2021. https://content.lib.washington.edu/exhibits/bulosan/index.html
Visperas, Eva. “Binalonan town declares Sept. 11 Carlos S. Bulosan Day.” 𝑃ℎ𝑖𝑙𝑖𝑝𝑝𝑖𝑛𝑒 𝑆𝑡𝑎𝑟, Hunyo 23, 2006. https://www.philstar.com/nation/2006/06/23/343387/binalonan-town-declares-sept-11-carlos-s-bulosan-day
Photo credits: Google