08/10/2026
Iisa lamang ang nais ng mga mamamayan sa Cabangan, Zambales—ang maging mas matatag sa pagharap sa mga sakuna at panganib.
Sa Municipal Resilience Planning and Prioritization of PPAs for PCRP Funding na isinagawa mula Oktubre 6 hanggang ngayong araw, Oktubre 8, 2026, inilahad ang mga konsolidadong output ng Participatory Risk and Vulnerability Assessment (PRVA) mula sa iba’t ibang barangay ng munisipalidad. Sa pamamagitan ng aktibidad, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga komunidad na maunawaan ang mga sakuna at panganib na kinakaharap ng bawat barangay. Mahalaga ang prosesong ito bilang hakbang sa pagbuo ng konkretong 3-year Municipal Resilience Plan. Dito rin nakikilahok at nagbabahagi ng saloobin, katanungan, at opinyon ang mamamayan.
Aktibong nakilahok sa proseso ang 22 na barangay ng Cabangan, sa suporta ng Cabangan Municipal Mayor, Hon. Ronaldo F. Apostol, Municipal Resilience Team, at mga Community Volunteers. Pinangunahan ang aktibidad ng Area Coordinating Team ng Cabangan, Zambales, kasama ang kinatawan ng KALAHI-CIDSS Regional Project Management Office (RPMO).
Bago ang aktibidad, isinagawa ang PRVA upang matukoy ang mga panganib na kinakaharap ng bawat komunidad at ang lawak ng mga ito. Upang matiyak na ang mga magiging proyekto ay akma at kapaki-pakinabang sa komunidad, tinalakay din ang Open Menu at Negative List ng mga maaaring pondohan sa ilalim ng PCRP.
Para kay Elizabeth Trapsi, isang Purok Leader at Community Volunteer mula Brgy. Mabanglit, Cabangan, Zambales, mahalaga ang proseso dahil nabibigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na maibahagi ang kanilang pananaw sa mga posibleng proyekto at aktibidad para sa munisipalidad.
“Nakuha ang mga saloobin ng mga nandito, narinig ang mga opinyon namin kung anong mga puwedeng proyekto at aktibidad na maaaring gawin sa munisipalidad,” aniya.
Higit pa sa pagbuo ng plano at pagtukoy ng mga panganib, naging pagkakataon ang aktibidad upang pag-isahin ang komunidad sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan at katatagan sa pagharap sa mga sakuna at panganib.