30/05/2025
MARBIL, NANAWAGAN NG SUPORTA PARA SA PAPASOK NA CPNP PMGEN NICOLAS TORRE III
Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., itinalaga si Police Major General Nicolas D. Torre III bilang susunod na Hepe ng Philippine National Police (PNP), ayon sa anunsyong ginawa ngayong araw ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang press briefing sa Malacañang Palace.
Si PMGen Torre, ay opisyal mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) “Tagapaglunsad” Class of 1993, at kasalukuyang nagsisilbing Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang pangunahing yunit ng PNP na nakatuon sa pagsugpo ng malalaking krimen at sindikato sa buong bansa.
Si Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang kasalukuyang Hepe ng PNP, ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa Hunyo 7, 2025. Gaganapin ang Change of Command Ceremony at Retirement Honors para kay PGen Marbil sa Hunyo 2, 2025.
Sa isang maikling pahayag, ipinahayag ni PGen Marbil ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino para sa tiwalang ibinigay sa kanya bilang ika-30 Hepe ng PNP, at nanawagan sa buong kapulisan na ibigay ang kanilang buong suporta sa papasok na pinuno.
“Si PMGen Torre ay isang masipag, subok na at may matatag na prinsipyong opisyal. Buo ang aking tiwala na kanyang ipagpapatuloy ang pamumuno sa PNP nang may integridad at malinaw na direksyon. Hinihikayat ko ang bawat pulis at kawani ng PNP na ibigay sa kanya ang parehong suporta at kooperasyon na inyong ipinagkaloob sa akin,” ayon kay Marbil.
Ipinahayag din ni Marbil ang kanyang positibong pananaw na ipagpapatuloy ni Torre ang pangunguna sa PNP upang mapanatili ang tagumpay ng kampanya kontra-krimen na nagbunga ng kapansin-pansing pagbabago sa kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Si PMGen Torre ay gumanap na sa iba’t ibang mahalagang posisyon sa loob ng organisasyon at kilala sa kanyang matatag na paninindigan para sa internal na reporma, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at kahusayan sa imbestigasyon.
Habang nagsisimula ang transisyon ng pamumuno, binigyang-diin ni PGen Marbil ang kahalagahan ng pagkakaisa at propesyonalismo upang mapanatili ang momentum ng PNP sa pagpapatupad ng mga repormang nakahanay sa Bagong Pilipinas governance agenda ng administrasyon.