12/10/2026
𝐏𝐈𝐍𝐀𝐊𝐀𝐌𝐀𝐓𝐀𝐀𝐒 𝐍𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐔𝐏𝐔𝐆𝐀𝐘 𝐊𝐀𝐘 𝐌𝐈𝐌𝐈 “𝐊𝐀 𝐂𝐇𝐀𝐌” 𝐂𝐋𝐀𝐑𝐈𝐍!
𝐁𝐀𝐘𝐀𝐍𝐈 𝐍𝐆 𝐒𝐀𝐌𝐁𝐀𝐘𝐀𝐍𝐀𝐍, 𝐃𝐀𝐍𝐆𝐀𝐋 𝐍𝐆 𝐊𝐈𝐋𝐔𝐒𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐓𝐀𝐀𝐍!
Noong mga nagdaang buwan ng Hulyo at Agosto, walang tigil ang focused military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Licuan-Baay, Abra sa kamay ng mga berdugong 50th at 98th Infantry Battalion ng AFP. Dito nakumpirma ang pagkasawi ng apat na pulang mandirigma, kabilang sina Enrique "Ka Chico" Dayandante, Eugene "Ka Ken" Hilaus, Moises "Ka Andrei" Balabag, at Jhonie “Ka Duma” Escobilla.
Ngunit dahil sa karumal dumal at walang awa na pamamasismo ng berdugong estado, nahirapan maitala sa publiko ang tunay na bilang ng nasawi, dahil sa kahirapan na matukoy ang identidad ng ilan sa mga labi na umabot ng ilang buwan.
Kaugnay nito ibinabalita ng Anakbayan UP Baguio ang pagkamartir ng kapwa iskolar ng bayan at aming dating tagapangulo na si 𝐌𝐢𝐦𝐢 “𝐊𝐚 𝐂𝐡𝐚𝐦” 𝐂𝐥𝐚𝐫𝐢𝐧 sa ilalim ng pamamasimo ng 98th Infantry Battalion noong Agosto 2, 2026 sa Licuan-Baay, Abra.
Sa pagnanais ni Mimi na makiisa sa pagbabago ng kalagayan ng lipunan at isulong ang pambansang demokratikong pakikibaka, matatagpuan niya ang kaniyang sarili na nag-aambag sa rebolusyon sa mga komunidad at bulubundukin ng Kordilyera.
Nagsimula si Mimi bilang isang aktibista sa kaniyang pagpasok sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio bilang isang freshie, sa kursong BA Communications noong 2015. Sa unang taon pa lamang niya sa unibersidad, naging isa na siyang masikhay na lider-estudyante, aktibista, at organisador ng mga iskolar ng bayan. Mula rito, makikita ni Mimi ang kaniyang sariling namumuno ng Anakbayan UP Baguio bilang tagapangulo nito. Dahil sa pagpapasa ng K-12, darating sa punto ang unibersidad na walang mga freshman na pumapasok at naging matinding hamon ito para sa balangay ng Anakbayan sa UP Baguio. Walang patid siyang nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos at matagumpay niyang naibangon ang lokal na balangay ng Anakbayan.
Sa tumitinding krisis ng lipunan, kawalan ng libre, dekalidad, at aksesableng edukasyon, naging mainit ang usapin ng Free Tuition Law noong 2015-2016. Kaakibat nito ay ang matinding panawagan ng mga Iskolar ng Bayan sa ibasura ang Socialized Tuition Fee System (STS) na kung saan nakabase ang tuition fee na binabayaran ayon sa income bracket ng mga estudyante. Dito, makikita ni Mimi ang tunay na danas ng kapwa estudyante sa hirap ng gastos sa pag-aaral na magiging isyung tampok at malapit sa kaniya.
Mahusay mag-aral ng lipunan si Mimi. Kaya hindi nakakapagtaka, labas pa sa mga isyu ng pamantasan ay lumawak pa ang mga isyung malapit sa kaniya partikular ang mga isyu ng pambansang minorya lalo na sa Kordilyera.
Pagdating ng 2017, sa kaniyang ikalawang taon sa kolehiyo mapagtatanto niya ang kaniyang kagustuhan na maging isang full-time activist. Inilaan niya ang kaniyang oras, husay, at talino sa buong pusong pagsisilbi sa mga katutubo ng Kordilyera upang puspusang mag-organisa at magpakilos sa hanay ng Pambansang Minorya.
Sa kasikhayan ni Mimi, matagumpay ang naging pagpapalakas ng kilusang Pambansang Minorya na nagresulta sa pagpapadalo ng mga kabataan mula Baguio sa Lakbayan ng mga Pambansang Minorya at Moro sa Maynila noong 2017. Inilulunsad ang Lakbayan noon bilang isang malaking protesta at kampuhan ng mga katutubo laban sa Martial Law ni Duterte sa Mindanao at patuloy na pang-aatake ng mga militar sa mga katutubong komunidad.
Sa parehong taon, matinding pangbobomba at pamamasista ang nararanasan sa Malibcong, Abra. Mahaba na ang kasaysayan nito magmula pa noon, ngunit, naging mas mainit pa ito sa panahong iyon. Matinding rason ng militarisasyon sa Abra ang mga naghaharing uri at dayuhang korporasyon na amo ng AFP na nais kamkamin ang yaman ng lupain ng Abra. Karugtong nito, maging ang bayan ng Ifugao ay bahagi rin ng matinding militarisasyon sa kanayunan. Kaya naman, sa pagdaraos ng isang fact-finding mission sa Asipulao, Ifugao ay mapagpasya at buong pusong lalahok si Mimi. Sa Lakbayan 2017 naman, mapapakinggan ni Mimi ang mga isyu at kwentong kinakaharap ng pambansang minorya, mula sa patuloy na pang-aagaw ng lupang ninuno, marahas na pagpapalayas sa mga lupain, at patuloy na pamamasista sa mga katutubo.
Hindi maikakaila na sobrang malapit na sa puso ni Mimi ang usapin at isyu ng pambansang minorya. Sa edad na 19, pipiliin niyang lisanin ang komportableng pamumuhay at tahakin ang landas ng pinakamataas ng porma ng pakikibaka. Sa panahong din iyon, malubhang pasismo at karahasan mula sa rehimeng Duterte ang ipinaranas sa mamamayang Pilipino na naging isang tulak rin kay Mimi sa pagpili ng buhay di-pangkaraniwan. Noong Disyembre 2017, sumampa siya sa New People's Army upang maging bahagi ng pakikibaka sa kanayunan bilang solusyon sa matinding pambubusabos sa mga pambansang minorya at mamamayan.
Sa pagpili ni Mimi ng landas ng rebolusyonaryong pakikibaka, naging malapit siya sa puso ng masang anakpawis. Magiliw kasama si Mimi, minamahal ng maraming bata at ng masa, lahat ng bagay ay handang gawin. Sa kabila ng mga kontradiksyon, buong tapang at puso niyang piniling ialay ang kanyang lakas, talino, sining at talento para sa tunay na pagpapalaya ng sambayanan.
Pinatunayan ng siyam (9) niyang taon sa rebolusyonaryong kilusan na ang paglahok ng kabataan sa armadong pakikibaka ay mananatiling isang wasto at makatarungang paraan ng pagsusulong ng ating rebolusyon. Ang pagpili ni Mimi at ng marami pang mga kabataan sa landas na ito ay bunga ng isang lipunang nabubulok at patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Ito ay isang manipestasyon ng isang mapanupil na estadong pinipiling patahimikin at huwag bigyang pansin ang mga demokratikong kahilingan ng taumbayan. Ang pagpili sa landas ng pakikibaka ay nakasandig sa nag-aalab na prinsipyo at hangaring paglingkuran ang sambayanan at baguhin ang lipunan.
Kaya nananatiling hamon sa bawat kabataang Pilipino na makiisa sa laban ng masang-api! Hangga’t hindi natutugunan ang tunay na problema ng mamamayan, patuloy na uusbong ang mga kabataang katulad ni Mimi. Mga kabataang namulat sa reyalidad ng bulok at pahirap na sistema at nagsusumikap na pandayin ang isang kinabukasang nakasandig sa taumbayan at malaya sa sistemang mapang-api sa sambayanang Pilipino.
At para kay Mimi, isang pinakamataaas na pagpupugay sa iyo. Hindi masasayang ang iyong kwento at buhay na inialay dahil patuloy kang magiging bayani at inspirasyon sa bawat taong nakita ang iyong pagmamahal, sa kabataang patuloy na namumulat, at sa lipunang iyong piniling paglingkuran.
MABUHAY ANG ALAALA NI KA CHAM AT LAHAT NG MARTYR NG ABRA AT NG KORDILYERA!
MILITAR SA KANAYUNAN, PALAYASIN!
INUTANG NA DUGO NG PASISTANG REHIMEN, SINGILIN, SINGILIN, PAGBAYARIN!
Iniimbitahan ang lahat sa gaganaping cultural program upang bigyang pugay ang buhay at kadakilaan ni Mimi at lahat ng martyr ng Abra.
🗓️October 13, 2026
🕕6 PM
📍CSS Courtyard