07/09/2026
“𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗠𝗣𝗔𝗟𝗔𝗧𝗔𝗬𝗔 𝗔𝗧 𝗣𝗔𝗚𝗠𝗔𝗠𝗔𝗛𝗔𝗟: 𝗦𝗔𝗡𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬𝗔”
Ang pamilyang Diomedis Laca Bautista at Liezel Costales Bautista ay mula sa Barangay Uddiawan, Solano, Nueva Vizcaya. Sila ay isang simpleng pamilya na pinagbubuklod ng pagmamahalan, pananampalataya, respeto, pagkakaisa, at pagtutulungan.
Si G. Diomedis Bautista ay isang responsableng ama at isang masipag na magsasaka habang si Gng. Liezel Bautista ay 25 taon na naglingkod bilang Barangay Record Keeper sa BLGU-Uddiawan at kasalukuyang Administrative Aide III ng Provincial Cooperative and Enterprise Development (PROCEDE) Office bilang isang Contract of Service.
Nabiyayaan sila ng dalawang anak: si Kayezen Anne C. Bautista, 20 taong gulang, na kumukuha ng Veterinary Medicine major in Animal Science sa NVSU, at si Kayeanne Ashley C. Bautista, 17 taong gulang, isang Grade 12 student. Pareho silang masipag, responsable, may takot sa Diyos, mahusay sa pag-aaral, at aktibo sa mga organisasyon, palakasan, sining, musika, hindi lamang sa paaralan kundi maging sa mga gawaing pangkomunidad.
Mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang pananampalataya. Regular silang nagsisimba at aktibong nakikilahok sa mga gawain sa kanilang simbahan. Kabilang sa choir ang mag-iina, habang ang kanilang panganay ay kasali rin sa banda. Mahilig din sila sa musika at ginagamit nila ang kanilang free time bilang panahon ng kanilang pagsama-sama, pagkukuwentuhan, kantahan, at tawanan. Sama-sama silang kumakain at nagkakaroon din sila outings kung minsan gaya ng pamamasyal, picnic at iba pa.
Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at pagtutulungan, unti-unti nilang natupad ang kanilang mga pangarap, kabilang ang pagkakaroon ng sariling tahanan at pagbili ng lupa at bahay na patuloy nilang inaayos para sa kanilang pamilya.
Kayat, noong 2025, napili ang kanilang pamilya bilang kinatawan ng Barangay Uddiawan sa Search for Idol Kong Pamilya, kung saan nakamit nila ang 1st Runner Up sa Municipal Level.
Ang natanggap nilang gantimpala mula sa “Idol Kong Pamilya” ay ginamit nila bilang karagdagang puhunan sa kanilang munting kabuhayan, na nakatulong sa pagpapaunlad ng kanilang pamilya.
Para sa pamilya Bautista, ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa yaman o ari-arian, kundi sa pagmamahalan, pagkakaisa, pananampalataya, at pag-asang sama-samang binubuo para sa kinabukasan.
At para sa kanila, “At higit sa lahat ng ito ay magkaroon kayo ng pag-ibig, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. At maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo…”— Colosas 3:14–15