09/11/2026
Isang malaking karangalan at kagalakan para sa ating pamahalaang barangay na ibahagi sa ating mga minamahal na kabarangay ang Kapasyahang ipinagkaloob ng Tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan bilang opisyal na pagkilala sa ating barangay bilang isa sa mga BEST BARANGAY 2026 PASSERS!
Ito ay pormal na kinilala sa pamamagitan ng KAPASYAHAN BLG. 786-T2026 na ipinagkaloob ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Punong Lalawigan, Kgg. Daniel R. Fernando, at Pangalawang Punong Lalawigan at Taga-Pangulo ng Sangguniang Panlalawigan, Kgg. Alexis C. Castro, kasama ang buong kapulungan.
Ang parangal na ito ay patunay ng patuloy nating pagpupursigi sa ilalim ng pamumuno ng ating butihing Punong Barangay Gilberto B. Landayan, kasama ang buong Sangguniang Barangay, mga kawani ng barangay, at lahat ng katuwang sa paglilingkod na nagkakaisang itaguyod ang isang tapat, maayos, at may malasakit na pamamahala.
Ngunit higit sa lahat, ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa pamunuan—ito ay bunga ng inyong walang-sawang tiwala, suporta, at pakikiisa bilang mga mamamayan ng Barangay Cutcut. Sa bawat sakripisyo at hakbang tungo sa pagbabago, naron ang ating iisang layunin: ang maglingkod nang tapat at magbigay ng mas magandang kinabukasan para sa ating komunidad.
Nawa’y magsilbi itong inspirasyon upang lalo pa nating pag-ibayuhin ang pagkakaisa, pananagutan, at serbisyong may puso. Dahil sa dulo, ang pinakamahalagang parangal ay ang tiwalang patuloy nating pinangangalagaan para sa mga taong ating pinaglilingkuran.