06/10/2026
MAGANDANG GABI SA ATING LAHAT!
Ngayong papalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026, nais nating ipaabot sa ating mga kababayan ang isang mahalagang paalala: ang pagkakaroon ng ligtas, mapayapa, malinis at maayos na halalan ay responsibilidad nating lahat.
Ang halalan ay isang mahalagang bahagi ng ating demokrasya. Dito natin malayang naipapahayag ang ating kagustuhan at nakapipili ng mga lider na magsisilbi at mangunguna sa ating mga barangay at kabataan.
Kaya naman, hinihikayat natin ang lahat ng kandidato, supporter, botante, kabataan at iba pang stakeholders na maging responsable at pairalin ang respeto, disiplina at pagsunod sa mga umiiral na batas at alituntunin sa halalan.
Sa panahon ng kampanya, iwasan natin ang anumang gawain na maaaring magdulot ng kaguluhan o makasira sa kredibilidad ng halalan. Huwag tayong makilahok sa vote buying at vote selling, pananakot, pamimilit, karahasan, paggamit ng ilegal na armas, at iba pang ipinagbabawal na gawain.
Mahalaga rin na maging maingat tayo sa paggamit ng social media. Sa panahon ngayon, mabilis kumalat ang impormasyonโpero mabilis din kumalat ang fake news, maling impormasyon at mga content na maaaring makapagpasiklab ng tensyon.
Kaya bago tayo mag-share o mag-post, mag-isip muna, mag-verify at tiyaking tama ang impormasyong ating ipinapakalat. Huwag nating gamitin ang social media upang manira, manakot o magpalaganap ng impormasyon na maaaring magdulot ng hidwaan sa ating komunidad.
Para naman sa ating mga botante, gamitin natin ang ating karapatang bumoto nang malaya at responsable. Huwag ibenta ang boto. Huwag magpadala sa pananakot. Huwag magpadikta sa pera o anumang materyal na kapalit ng ating boto.
Sa ating mga kabataan, lalo na sa mga makikilahok sa Sangguniang Kabataan, tandaan natin na ang inyong boses ay mahalaga. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang maging bahagi ng isang responsableng proseso at pumili ng mga lider na tunay na may malasakit at hangaring maglingkod sa kapwa kabataan at sa komunidad.
Samantala, patuloy namang nakikiisa ang Philippine National Police, katuwang ang COMELEC, AFP, mga Local Government Units at iba pang stakeholders, sa pagpapanatili ng peace and order, public safety at seguridad bago, habang at pagkatapos ng halalan.
Ngunit hindi lamang sa mga awtoridad nakasalalay ang seguridad ng halalan. Mahalaga ang pakikiisa ng bawat mamamayan.
Kung may mapapansin tayong kahina-hinalang aktibidad, pananakot, karahasan, vote buying, paggamit ng ilegal na armas, o anumang insidenteng maaaring makaapekto sa seguridad at integridad ng halalan, hinihikayat natin ang publiko na agad itong i-report sa mga kinauukulang awtoridad.
Huwag tayong matakot na magsalita kung ang layunin natin ay protektahan ang ating komunidad at mapanatili ang isang mapayapang halalan.
Sa huli, tandaan natin na ang halalan ay hindi labanan ng magkakaaway. Ito ay isang proseso kung saan malaya nating pinipili kung sino ang nais nating pagkatiwalaan upang maglingkod sa ating barangay at kabataan.
Kaya naman, pairalin natin ang respeto kahit magkakaiba ang ating kandidato o paninindigan. Iwasan ang personal na alitan, paninira at anumang uri ng karahasan. Matapos ang halalan, tayo pa rin ay magkakapitbahay, magkakaibigan at magkakasama sa iisang komunidad.
Muli, ang ating mensahe para sa lahat:
Maging mapanuri. Maging responsable. Sumunod sa batas. Igalang ang bawat isa. At makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sama-sama nating tiyakin na ang BSKE 2026 ay magiging ligtas, mapayapa, malinis, maayos at makabuluhan.
BSKE 2026 โ ANG BOTO MO, PANANAGUTAN MO. ANG KALAYAAN SA PAGBOTO, PANGALAGAAN NATIN.
Maraming salamat po at magandang gabi sa ating lahat!
Kwatro O Fourth