26/10/2026
SA LIKOD NG MAPUTIK NA DAAN, MAY PAG-ASANG SISIBOL: PAGTUTULUNGAN PARA SA KABUHAYAN NG SITIO SINCAB 🌱🤝
Hindi naging hadlang ang ulan, putik, at kawalan ng regular na transportasyon. Sa kabila ng mga hamon sa paglalakbay, nagkaisa ang iba’t ibang ahensiya upang tuklasin ang mga oportunidad para sa mas matatag at napapanatiling kabuhayan ng komunidad.
SOFRONIO ESPAÑOLA, PALAWAN | Oktubre 21, 2026 — Sa likod ng maputik at mahirap na daan patungo sa Sitio Sincab, Pulot Interior, dala ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang iisang layunin: matukoy ang mga potensiyal na mapagkukunan ng kabuhayan at ang mga kinakailangang suporta upang maisulong ang pangmatagalang pag-unlad ng komunidad.
Bilang bahagi ng Provincial Inter-Agency Committee – Technical Working Group (TWG) for Livelihood Concern, pinangunahan ng DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program–Palawan Operations ang pagsasagawa ng field visit sa suporta at pag-apruba ni Ms. Eleanor M. Lotivo, OIC-APCO at Tagapangulo ng TWG. Naisakatuparan ang aktibidad noong Oktubre 21, 2026 bilang bahagi ng sama-samang pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Bago tumulak patungong Sitio Sincab, nagsagawa muna ng courtesy call sa Pamahalaang Bayan ng Sofronio Española. Dahil sa nauna nang nakatakdang mga gawain ng Punong Bayan sa araw na iyon, itinalaga niya si Elizabeth Joy A. Baladhay (EMS-I), upang kumatawan sa lokal na pamahalaan. Sa pagkakataong ito, nagkaroon ng maikling briefing at naipahayag ang pasasalamat sa suporta at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Bayan sa pagsasakatuparan ng aktibidad.
Hindi naging madali ang paglalakbay patungo sa lugar. Dahil sa maputik na daan, pag-ulan, at kawalan ng regular na transportasyon, kinailangang lumusong at magpatuloy sa paglalakad ang mga kalahok upang marating ang komunidad. Sa kabila nito, nagpatuloy ang grupo upang maisakatuparan ang layunin ng pagbisita.
Pagdating sa lugar, mainit silang tinanggap ng CORE Group ng Sitio Sincab, na binubuo ng 25 lider ng komunidad, kabilang ang mga purok leader, parent leader, at lider ng mga katutubo (IP).
Sa isinagawang briefing, ipinaliwanag sa mga residente ang layunin ng pagbisita at ipinakilala ang mga kinatawan ng bawat ahensiya. Nakatuon ang aktibidad sa pagtatasa ng mga likas na yaman at hilaw na materyales na matatagpuan sa Sitio Sincab upang matukoy ang mga potensiyal na pagkakakitaan ng komunidad, gayundin ang mga kakulangan at karagdagang suportang kinakailangan upang malinang ang mga ito bilang pangmatagalan at napapanatiling mapagkukunan ng kabuhayan. Ang inisyatibang ito ay tugon sa naunang needs assessment ng komunidad, kung saan natukoy ang kabuhayan bilang isa sa mga pangunahing prayoridad. Bago ang aktuwal na pagtatasa, sumailalim sa oryentasyon ang mga assessor hinggil sa assessment tool na gagamitin upang matiyak ang sistematiko at magkakatugmang proseso ng pagsusuri at makabuo ng mga rekomendasyong angkop sa pangangailangan ng komunidad.
Nakiisa sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya, kabilang ang dalawa mula sa Department of Agriculture (DA)–MIMAROPA, isa mula sa Provincial Agriculture Office (PAGO), apat mula sa Western Philippines University (WPU)–Agricultural Section, isa mula sa Department of Trade and Industry (DTI), tatlo mula sa Municipal Agriculture Office (MAO), at dalawa mula sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office ng Sofronio Española. Kasama rin sa aktibidad ang Municipal Link na nakasasakop sa Sitio Sincab, apat na kasamahan nito mula sa 4Ps Municipal Sub-Office, at tatlong kinatawan mula sa DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program–Provincial Operations Office (POO), na nagsilbing mga facilitator. Sa pamamagitan ng kanilang pinagsama-samang kaalaman at teknikal na kadalubhasaan, inaasahang matutukoy ang mga angkop na interbensiyon at oportunidad na makatutulong sa pagsusulong ng mas matatag at napapanatiling kabuhayan para sa komunidad.
Nagtapos ang aktibidad sa isang photo opportunity at pagpapahayag ng pasasalamat sa mga residente at lider ng Sitio Sincab sa kanilang mainit na pagtanggap at pakikiisa.
Taos-puso kaming nagpapasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, sa pamumuno ni Gobernador Amy Roa Alvarez, sa pagpapahiram ng sasakyan at pagsagot sa gastusin sa gasolina. Malaki ang naging tulong ng inyong suporta upang marating namin ang Sitio Sincab at maisakatuparan ang layunin ng aming pagbisita.
Maraming salamat din sa Pamahalaang Bayan ng Sofronio Española, sa pamumuno ni Mayor Abner Rafael N. Tesorio, sa inyong suporta at pakikipagtulungan sa gawaing ito.
Lubos din ang aming pasasalamat sa lahat ng assessor at kinatawan mula sa DA-MIMAROPA, PAGO, WPU, DTI, MAO, at MSWD na tumugon sa aming paanyaya at nagbahagi ng kanilang oras, kaalaman, at teknikal na kadalubhasaan. Ang inyong pakikiisa ay mahalagang bahagi ng sama-samang pagsisikap na matukoy ang mga potensiyal na oportunidad sa kabuhayan at ang mga suportang kinakailangan upang higit na mapalakas ang kakayahan ng komunidad.
Higit sa lahat, maraming salamat sa CORE Group at sa buong komunidad ng Sitio Sincab sa inyong mainit na pagtanggap, bukas na pakikipag-ugnayan, at aktibong pakikiisa. Sa kabila ng mga hamon sa paglalakbay, ang inyong pagtanggap at kahandaang makipagtulungan ay nagbigay-halaga sa layunin ng aming pagbisita.
Sa inyong lahat, maraming salamat sa pagiging bahagi ng inisyatibang ito. Nawa'y magsilbi itong mahalagang hakbang tungo sa pagtukoy ng mga angkop na suporta at sa pagsusulong ng mas matatag at napapanatiling kabuhayan para sa Sitio Sincab. 🌱🤝