21/10/2026
AGRI-CREDIT AND MARKET LINKAGE FORUM PARA SA MGA F2C2 CLUSTERS NG BATAAN, PAMPANGA, AT ZAMBALES, ISINAGAWA SA LUBAO, PAMPANGA
October 20–21, 2026
Isinagawa ng Department of Agriculture – Regional Field Office III sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ang Agri-Credit and Market Linkage Forum para sa mga F2C2 Clusters ng Bataan, Pampanga, at Zambales sa Lubao, Pampanga. Layunin ng aktibidad na mapalawak ang ugnayan ng mga cluster sa mga pamilihan at mabigyan sila ng impormasyon at oportunidad upang makapag-supply ng kanilang mga produkto sa mga government, private, at institutional buyers mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Kabilang sa mga inimbitahang institutional buyers ang BJMP Region III, DepEd Region III, CPF, at CP Seeds, na nagbahagi ng kanilang mga kinakailangan at specification sa pagbili ng mga produktong agrikultural. Nagkaroon din ng talakayan at interaksiyon hinggil sa mga posibleng kasunduan at kaayusan sa pagitan ng mga buyer at mga cluster.
Bilang suporta sa pagpapalakas ng access sa pautang at iba pang serbisyong pinansyal, lumahok din ang Land Bank of the Philippines, Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at Agricultural Credit Policy Council (ACPC) upang magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga programa, serbisyong pinansyal, at oportunidad sa financing para sa mga magsasaka at kanilang mga samahan. Dumalo rin ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) upang magbigay ng suporta sa produksyon at pagpapaunlad ng mga agri-enterprise, gayundin upang sagutin ang mga katanungan ng mga kalahok. Sa pamamagitan ng forum, inaasahang mas mapalalakas ang ugnayan ng mga F2C2 cluster sa mga mamimili at institusyong nagbibigay ng suporta upang mapahusay ang kanilang kakayahang makipagkalakalan at mapalawak ang kanilang mga oportunidad sa negosyo.