22/10/2026
Kampanya laban sa Paragonimiasis, mas pinalakas sa TB-Parago Summit sa Sorsogon
Pinaiigting ng Department of Health (DOH) Bicol ang kampanya laban sa Paragonimiasis kasunod ng matagumpay na paglulunsad ng TB-Parago Summit noong Oktubre 16, 2026 sa MBC Hotel, Sorsogon City.
Layunin ng summit na palawakin ang kamalayan ng publiko sa maagang pagtukoy, pag-iwas, at tamang paggamot sa sakit na ito, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, at mga health worker.
Ano ang Paragonimiasis?
Ang Paragonimiasis, na tinatawag ding lung fluke disease (parasitikong sakit sa baga), ay isang kondisyong medikal na sanhi ng parasitikong uod. Nakukuha ito sa pamamagitan ng pagkain ng mga sumusunod na kontaminadong pagkain:
• Hilaw o kulang sa lutong alimango sa tabang (freshwater crabs)
• Crayfish o pasayan na hindi sapat ang pagkakaluto
• Kinilaw na isda na may taglay na parasite
Pagkakahawig sa Tuberculosis (TB)
Binalaan ng DOH Bicol ang publiko na madaling mapagkamalang Tuberculosis (TB) ang Paragonimiasis dahil sa magkaparehong sintomas. Gayunpaman, magkaiba ang sanhi ng dalawang sakit kaya magkaiba rin ang kanilang pagsusuri at gamutan.
Dapat bantayan ang mga karaniwang sintomas na nararanasan sa parehong sakit:
• Matagal at pabalik-balik na ubo
• Pag-ubo na may kasamang plema o may bahid ng dugo
• Pananakit ng dibdib tuwing umuubo o humihinga nang malalim
• Lagnat at labis na pagpapawis, lalo na sa gabi
• Biglaang pagbaba ng timbang at matinding panghihina ng katawan
Mga Hakbang sa Pag-iwas at Rekomendasyon
Upang mapigilan ang pagkalat ng parasito sa mga komunidad, naglatag ang mga eksperto sa kalusugan ng mga pangunahing paalala:
• Lutuing mabuti ang pagkain: Siguraduhing luto nang husto ang mga alimango, pasayan, at iba pang freshwater crustaceans bago ihain. Iwasan muna ang pagkain ng mga ito nang hilaw.
• Agarang pagsusuri: Huwag ipagsawalang-bahala ang matagal na ubo. Kung hindi gumagaling ang ubo sa mga karaniwang gamot, magpatingin agad sa doktor.
• Komunsulta sa Health Center: Lumapit sa pinakamalapit na pasilidad ng kalusugan para sa libre at tamang pagsusuri upang malaman ang tunay na sanhi ng sakit.
Binigyang-diin ng kagawaran na ang maagap na pagkilos, tamang impormasyon, at pagkakaisa ng komunidad ang pinakamabisang sandata upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat Bicolano laban sa Paragonimiasis.