08/10/2026
𝑻𝒂𝒕𝒍𝒖𝒎𝒑𝒖’𝒕- 𝑫𝒂𝒘𝒂𝒍𝒂𝒏𝒈 (32) 𝑴𝒂𝒈𝒔𝒂𝒔𝒂𝒌𝒂, 𝑵𝒂𝒈𝒔𝒊𝒑𝒂𝒈𝒕𝒂𝒑𝒐𝒔 𝒔𝒂 𝑺𝒆𝒂𝒔𝒐𝒏-𝑳𝒐𝒏𝒈 𝑭𝒂𝒓𝒎𝒆𝒓𝒔’ 𝑭𝒊𝒆𝒍𝒅 𝑺𝒄𝒉𝒐𝒐𝒍 𝒐𝒏 𝑪𝒐𝒓𝒏 𝑷𝒓𝒐𝒅𝒖𝒄𝒕𝒊𝒐𝒏
Idinaos kamakailan ang pagtatapos ng Season-Long Farmers’ Field School (FFS) on Corn Production na nilahukan ng tatlumpu’t dalawang (32) magsasaka mula sa Barangay Lamhaku, Tboli.
Pangunahing layunin ng nasabing FFS na mabigyan ang mga magsasaka ng sapat na kaalaman at kasanayan sa tama, wasto, at napapanahong pamamaraan ng pagtatanim ng mais. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pagpili ng angkop na barayti o hybrid at de-kalidad na binhi, paghahanda ng lupa, pangangasiwa sa tubig, wastong paglalagay ng abono, pagtatanim, pagbabawas ng tanim, paglilinang, pamamahala sa mga peste, side-dressing o paglalagay ng abono sa paligid ng halaman, pangangalaga sa pananim, pag-aani, mga gawain bago at pagkatapos ng pag-aani, at wastong pag-iimbak ng ani.
Naging mahalagang bahagi ng FFS ang isinagawang Agroecosystem Analysis (AESA), kung saan sinusuri at tinutukoy ang iba’t ibang uri ng insekto na matatagpuan sa loob ng isang (1) square meter quadrant sa taniman. Isinasagawa ito upang matukoy ang presensya ng mga natural enemies o kapaki-pakinabang na organismo, gayundin ang nararapat na pest management approach para sa mga insect pest na matatagpuan sa pananim.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor sa Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) na magbahagi ng mahahalagang kaalaman at teknolohiya sa mga kalahok. Kabilang dito ang Integrated Pest Management, Tilapia Culture, Vegetable Production, at Agripreneurship, na naglalayong higit pang mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa iba't ibang larangan ng agrikultura.
Sa pangunguna ni Mayor Keo Dayle T. Tuan, isinagawa ng OMAg ang Season-Long Farmers’ Field School on Corn Production upang maibahagi ang tama, angkop, at napapanahong teknolohiya sa produksyon ng mais. Ang nasabing programa ay pinondohan ng Local Government Unit (LGU) sa ilalim ng Local Development Fund bilang bahagi sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka.