25/10/2026
𝗠𝗚𝗘𝗡 𝗦𝗘Ñ𝗜𝗥𝗘𝗦: SIPS DECLARATION, PANIMULA NG MAS MATATAG NA KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN SA NORTHERN LUZON
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela – Binigyang-diin ni MGEN Gulliver L. Señires, Commander ng 5th Infantry (STAR) Division, na ang deklarasyon ng State of Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) ay mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
Sa panayam ng DWDD, ipinaliwanag ni MGEN Señires na ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng militar, pulisya, mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensiya ng gobyerno, at mga mamamayan. Binigyang-diin niya na mahalagang mapanatili ang kapayapaan upang patuloy na maihatid ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
“Ang tagumpay na ito ay hindi para sa amin lamang, kundi higit sa lahat, para sa ating mga kababayan. Ang ating layunin ay hindi lamang mapanatili ang kapayapaan, kundi matiyak na maramdaman ito ng bawat komunidad sa pamamagitan ng patuloy na serbisyo at pangmatagalang kaunlaran,” pahayag ni MGEN Señires.
Ibinahagi rin niya na na-dismantle na ang limang guerrilla front na naabutan niya nang maupo bilang Division Commander. Aniya, mahalagang ipagpatuloy ang pagtutulungan ng militar, pamahalaan, at mga komunidad upang mapanatili ang mga nakamit na tagumpay at maiwasan ang muling pag-oorganisa ng mga armadong grupo.
Samantala, patuloy ding naghahanda ang 5ID para sa external security operations (ESO) habang pinananatili ang mga pagsisikap sa internal security at pinalalakas ang kahandaan sa disaster response at proteksiyon ng mahahalagang imprastraktura.
Hinimok ni MGEN Señires ang publiko, lalo na ang kabataan, na makiisa sa mga programa ng pamahalaan, maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media, at makibahagi sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin ng pamunuan ng 5ID na ang deklarasyon ng SIPS ay hindi katapusan ng pagsisikap para sa kapayapaan, kundi simula ng mas matatag na pagtutulungan upang matiyak ang pangmatagalang seguridad at kaunlaran sa Northern Luzon.