13/10/2026
A VISIT OF FAITH, PRAYER, AND UNITY IN CHRIST
Isang karangalan ang aking pagtanggap sa Church of Hope Philippines Mission Team, sa pangunguna ni Pastor Ramon Abalos, sa Tanggapan ng Alkalde ngayong Oktubre 13, 2026. Ang mga misyonerong ito ay nagmula pa sa Sarasota, Florida, United States of America, upang bumisita sa ating minamahal na Bayan ng Binmaley.
Sa aming pag-uusap, ibinahagi ko ang mga katagang, “My life is temporary. We are brothers and sisters in Christ.” Isang paalala na ang ating buhay sa mundo ay pansamantala lamang, ngunit ang ating pananampalataya sa Diyos at pagmamahalan bilang magkakapatid kay Kristo ay may malalim na kahulugan.
Bago ang kanilang pag-alis, nag-alay ng panalangin ang Church of Hope Philippines Mission Team para sa akin at sa buong Bayan ng Binmaley. Taos-puso akong nagpapasalamat sa kanilang panalangin at sa kanilang hangaring patuloy na gabayan at pagpalain ng Panginoon ang ating bayan. Nawa’y patuloy tayong pagkalooban ng karunungan, lakas, at pagkakaisa sa pagtupad ng ating mga tungkulin at sa tapat na paglilingkod sa ating mga kababayan.
Samantala, Kahapon Oktubre 12, 2026, nagkaroon din tayo ng pagkakataong salubungin ang mga Korean missionary mula sa Zion Church, South Korea, sa pangunguna ni Pastor Park Woan Sub, gayundin ang mga kinatawan ng Missionary Work of JESUS BLESSED CHURCH at mga Christian Church sa Binmaley.
Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga misyonero at kinatawan ng mga simbahan na naglaan ng kanilang panahon upang dalawin ang ating bayan. Ang kanilang pagbisita, panalangin, at pagbabahagi ng pananampalataya ay nagpapakita ng pagkakaisa ng mga mananampalataya sa kabila ng pagkakaiba ng wika at pinagmulan.
Nawa’y patuloy tayong magkaisa sa pananampalataya, pagmamahalan, at paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa.
Pagpalain nawa tayo ng Diyos! Pagpalain ang Bayan ng Binmaley!