31/10/2026
SUSPEK SA ROBBERY AT CARNAPPING, ARESTADO SA HOT PURSUIT OPERATION NG LEGAZPI CPS; REKLAMONG KRIMINAL, ISINAMPA NA
Arestado ang isang 26-anyos na ambulant vendor at residente ng Daraga, Albay, matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Legazpi City Police Station kaugnay ng insidente ng robbery at carnapping na naganap sa Brgy. Tamaoyan, Legazpi City, noong Oktubre 30, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-10:15 ng umaga, nilapitan ng suspek ang isang 62-anyos na babaeng biktima at nagpanggap na nangangailangan ng tulong. Nang buksan ng biktima ang pintuan ng kanyang sasakyan, bigla siyang sinuntok ng suspek sa mukha, nagdeklara ng hold-up, at sapilitang inagaw ang kontrol sa kanyang Nissan Navara PRO-4X.
Kasunod nito, minaneho ng suspek ang sasakyan habang kasama ang biktima at nagtungo sa iba't ibang lugar. Pagsapit ng alas-3:15 ng hapon, nang makarating sila sa Casa Lorenzo, Brgy. Tagas, Daraga, Albay, nagawa ng biktima na makatakas at agad na humingi ng tulong sa security guard ng nasabing establisimyento.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng Legazpi CPS sa pamamagitan ng follow-up investigation at hot pursuit operation sa pangunguna ni PLTCOL ALDIN A BALAGAT, Officer-in-Charge, katuwang ang mga tauhan ng Daraga Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Albay Police Provincial Office.
Sa tulong ng mga impormasyong ibinigay ng biktima, natukoy ng mga operatiba ang kinaroroonan ng suspek sa Brgy. Estanza, Legazpi City, kung saan siya matagumpay na naaresto dakong alas-6:45 ng gabi ng nasabing araw. Narekober din sa isinagawang operasyon ang sasakyan ng biktima.
Bilang pagpapatuloy ng kaukulang legal na proseso, dakong alas-7:00 ng gabi noong Oktubre 31, 2026, pormal na nagsampa ng reklamong kriminal ang biktima laban sa suspek para sa mga kasong Carnapping at Robbery with Intimidation sa Office of the City Prosecutor, Hall of Justice, Rawis, Legazpi City, sa pamamagitan ng Inquest Proceedings.
Patuloy namang pinaiigting ng Legazpi City Police Station ang pagpapatupad ng batas at mga operasyong naglalayong maprotektahan ang publiko laban sa anumang uri ng kriminalidad. Muli ring hinihikayat ang mamamayan na agad iulat sa kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.