04/06/2026
Nagpaabot ng courtesy call sa tanggapan ng ating Punong Barangay Kapitana Luvi Constantino sina Muntinlupa City PNP Acting Chief of Police PCol. Olivia Cayuhan Ancheta kasama si Muntinlupa City PNP Sub-Station 7 Commander PCapt. Gary Mendoza.
Mainit silang tinanggap ni Kapitana Luvi Constantino kung saan nagkaroon ng talakayan tungkol sa patuloy na pagpapalakas ng mga programa at inisyatibong may kinalaman sa peace and order sa Barangay Cupang.
Patuloy ring ipinahayag ni Kapitana Luvi ang kanyang suporta sa mga programang naglalayong protektahan at mapangalagaan ang kapakanan ng bawat mamamayan ng Cupang.
04/06/2026
Dumalo si Kapitana Luvi Constantino sa paglagda ng Memorandum of Agreement para sa Community and Service-Oriented Policing (CSOP) na ginanap sa Function Hall ng Pacific Village, Cupang.
Pinangunahan ang seremonya nina Mayor Ruffy Biazon, DILG City Director Mary Ann Planas, CESO-V, Muntinlupa PNP Chief of Police PCol. Olivia Cayuhan Ancheta, DAPCO Department Head PCol. Floricito Ragudo (Ret.), at Liga ng mga Barangay Muntinlupa Chapter President Kapitan Allen Ampaya.
Layunin ng CSOP na higit pang patatagin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa pamamagitan ng mas malapit na ugnayan at pagtutulungan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, at ng barangay.
Sa ilalim ng programang ito, mas binibigyang-diin ang maagap na pagtugon sa mga suliranin, pag-iwas sa krimen, at pagpapalakas ng tiwala sa pagitan ng mga mamamayan at mga tagapagpatupad ng batas.
Patuloy na sinusuportahan ni Kapitana Luvi ang mga programang naglalayong gawing mas ligtas, maayos, at mapayapa ang Barangay Cupang at buong Lungsod ng Muntinlupa.
04/06/2026
Idinaos nitong Lunes, ika-1 ng Hunyo, 2026 ang ika-70 Regular Session ng Sangguniang Barangay ng Cupang sa Julio Martinez Session Hall sa pangunguna ng ating mahal na Kapitana Luvi Constantino.
Sa naturang sesyon, tatlong resolusyon ang naaprubahan bilang bahagi ng patuloy na pagsasakatuparan ng mga hakbang at programang naglalayong mapabuti ang serbisyo at kapakanan ng mga mamamayan ng Barangay Cupang.
02/06/2026
Nakipagpulong sa ating mahal na Kapitana Luvi Constantino ang mga kinatawan ng Jose V. Del Rosario Foundation at Trimotors Tech Corporation upang balikan at talakayin ang matagumpay na pagsasagawa ng 5-Day Literacy and Feeding Program para sa 90 batang benepisyaryo ng Barangay Cupang.
Sa naging talakayan, nagpahayag ng pasasalamat si Kapitana Luvi sa mga katuwang na organisasyon sa kanilang suporta sa mga programang nakatuon sa edukasyon at nutrisyon ng mga kabataan.
Patunay ito na sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas maraming batang Cupang ang mabibigyan ng pagkakataong matuto at umunlad! 🩵
02/06/2026
Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng edukasyon at wastong nutrisyon para sa mga kabataan, matagumpay na isinagawa ang 5-Day Literacy and Feeding Program ng Jose V. Del Rosario Foundation sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Barangay ng Cupang sa pamamagitan ng Cupang Scholarship Division at Barangay Community Affairs and Development Office (BCADO).
Sa loob ng limang araw, nabigyan ng pagkakataon ang mga batang kalahok na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbasa habang tumatanggap din ng masustansyang pagkain na makatutulong sa kanilang pag-aaral at pangkalahatang kalusugan.
Patuloy na sinusuportahan ni Kapitana Luvi Constantino ang mga programang nakatuon sa edukasyon at kapakanan ng kabataan bilang bahagi ng layunin na makabuo ng isang mas maalam, mas malusog, at mas matatag na barangay.
02/06/2026
Nakibahagi si Kapitana Luvi Constantino sa isinagawang Brigada Eskuwela 2026 sa Cupang Elementary School–Annex bilang pagpapakita ng suporta sa paghahanda ng paaralan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagmamahalan, at paggalang sa isa’t isa bilang pundasyon ng isang matatag na barangay. Tinalakay rin niya ang lumalaking hamon ng reading literacy sa bansa at hinikayat ang mga magulang, g**o, at buong komunidad na makibahagi sa pagtuturo ng pagbabasa sa mga bata.
Ayon kay Kapitana Luvi, kung sama-sama nating isasabuhay ang prinsipyo ng “shared responsibility,” mas malaki ang posibilidad na matulungan natin ang mga mag-aaral na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbasa at mas mapaghandaan ang kanilang kinabukasan.
Kasama rin ni Kapitana Luvi sa pagbisita si dating Kagawad at Procurement Department Head Ruel Garcia sa pagbibigay ng iba't ibang materyales.
01/06/2026
Bilang bahagi ng Brigada Eskuwela 2026 ng Cupang Elementary School-Main, dumalo si Kapitana Luvi Constantino upang makiisa sa mga programang naglalayong ihanda ang paaralan para sa panibagong taon ng pag-aaral.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang Story Telling activity kung saan si Kapitana Luvi mismo ang nagbasa ng aklat na may pamagat na “Mahal Ko ang Pilipinas.” Pinili niya ang kuwentong ito bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Flag Days at upang maitanim sa murang isipan ng mga mag-aaral ang pagmamahal sa bayan at pagpapahalaga sa ating mga pambansang simbolo.
Sa kanyang pakikipagkuwentuhan sa mga bata, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging mabuting mamamayan, pagmamahal sa sariling bansa, at pagpapakita ng paggalang at malasakit sa kapwa.
Kasama rin niyang dumalo sa programa sina Kagawad Letty Sicat, dating Kagawad at Procurement Department Head Mr. Ruel Garcia, at Barangay VAWC Head Raissa Espinosa.
01/06/2026
Sa pagsisimula ng buwan ng Hunyo, nagpaabot ng mensahe si Kapitana Luvi Constantino sa Flag Raising Ceremony ngayong umaga kaugnay ng pagdiriwang ng Pride Month.
Muling pinagtibay ang adbokasiya ng Barangay Cupang para sa isang komunidad na may paggalang, pagkakapantay-pantay, at pagtanggap sa bawat isa.
Ayon kay Kapitana Luvi, ang Pride Month ay paalala ng kahalagahan ng pagrespeto sa iba’t ibang pagkakakilanlan at ng pagkilala sa dignidad ng bawat tao.
“Ang Pride Flag ay sumisimbolo ng pagkakapantay-pantay, pagtanggap, at inclusivity. Sa Barangay Cupang, naniniwala tayo na ang bawat isa ay nararapat na tratuhin nang may dignidad, respeto, at pagmamahal,” ani Kapitana Luvi.
Binigyang-diin din niya na ang isang tunay na nagkakaisang komunidad ay nabubuo sa pamamagitan ng pag-unawa, paggalang, at malasakit sa kapwa anuman ang kanilang pinagmulan o pagkakakilanlan.
Kasabay rito, muling pinaalalahanan ni Kapitana Luvi ang mga kawani ng Pamahalaang Barangay ng Cupang na patuloy na isabuhay ang pagkakaisa, pagtutulungan, at pagmamahal sa paglilingkod, bilang mga pagpapahalagang nagsisilbing pundasyon ng serbisyong publiko sa Barangay Cupang.
29/05/2026
Patuloy ang clean-up drive at paglilinis sa mga waterways ng Barangay Cupang bilang bahagi ng pagsusulong ng mas malinis at mas ligtas na kapaligiran para sa ating mga kabarangay.
Sa pinakahuling aktibidad sa Cupang-Wawa Bridge, nagsama-sama ang Barangay Environmental and Ecological Department, DENR–Metropolitan Environmental Office South, Barangay Cupang Bantay Lawa, Estero Ranger Cupang, Estero Ranger Alabang, at Estero Ranger Buli upang magsagawa ng paglilinis at pag-aalis ng mga basurang maaaring magdulot ng polusyon at pagbabara sa mga daluyan ng tubig.
Sa ilalim ng pamumuno ni Kapitana Luvi Constantino, patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Barangay ng Cupang ang mga programang nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatiling malinis ang mga estero at waterways bilang paghahanda rin sa panahon ng tag-ulan at pag-iwas sa pagbaha.
28/05/2026
Mga kabarangay, alam niyo ba?
Ang ating pambansang watawat ay unang tinahi nina Marcela Mariño Agoncillo kasama sina Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa Natividad, pamangkin ni Dr. Jose Rizal.
Mula noon hanggang ngayon, nananatili itong simbolo ng ating pagkakaisa at pagiging Pilipino.
Hindi lang basta kulay at disenyo ang makikita sa watawat ng Pilipinas—bawat simbolo rito ay may kuwento tungkol sa tapang, pagkakaisa, at pagmamahal ng mga Pilipino sa bayan.
Ngayong National Flag Day, magandang balikan ang kahulugan ng ating watawat at ipagmalaki ang kasaysayan at kulturang bumubuo sa ating bansa! 🩵