21/10/2026
Noong nakaraang linggo, nag-walkout sa World Bank phaseout convention ang mga tsuper, operator, at komyuter ng Iloilo bilang tanda ng kanilang protesta.
Panawagan namin sa lahat ng tsuper, operator, at mamamayan sa buong bansa: labanan at biguin ang World Bank Jeepney Phaseout!
Bilang tanda ng protesta at pagtutol sa World Bank Jeepney Phaseout, nag-walkout ang mga tsuper, operator, at komyuter ng Iloilo sa isinagawang Phaseout Convention ng DOTr at World Bank noong Oktubre 13.
Pinangunahan ito ng No To PUV Phaseout Coalition - Panay, na nagbasa at nagpahayag din ng kanilang position paper bago sila nanawagan ng walkout sa mga dumalo sa convention.
Diin ng No To PUV Phaseout Coalition - Panay na pinapaburan lamang ng World Bank Jeepney phaseout ang malalaking negosyo, samantalang binabastos ang karapatan at kabuhayan ng maliliit na operator at tsuper.
Ang kanilang mga kahilingan:
1. Itigil ang mga idinidiktang polisiya ng World Bank na nagtutulak ng monopolyo ng malalaking negosyo sa sektor ng pampublikong transportasyon
2. Maglunsad ng mga tunay na pampublikong konsultasyon na may totoong representasyon ng mga stakeholder, tindigan ng Iloilo City Government ang interes ng publiko, at tanggihan ang anumang pressure na gawing pilot area ang siyudad para sa redesigned PTMP.
3. Suportahan ang mga lokal na manufacturer ng pampublikong transportasyon bilang bahagi ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.
4. Tindigan ang karapatan at kabuhayan ng mga tsuper at maliliit na operator, kasama ang karapatan na magpatuloy sa pamamasada.
5. Protektahan ang karapatan, kagalingan, at interes ng mga komyuter sa pagtitiyak ng aksesible, abot-kaya, ligtas, at maaasahang pampublikong transportasyon.
Tumuloy ang mga nag-walkout sa piket protesta kasama ng iba pang mga tsuper, operator, at komyuter.
Sa buong bansa, ipinapanawagan ng PISTON:
LABANAN AT BIGUIN ANG WORLD BANK JEEPNEY PHASEOUT!
Tutulan ang sapilitang scrapping ng jeepneys!
Rehabilitasyon, hindi scrapping!
No to jeepney phaseout!
Pambansang industriyalisasyon, hindi importasyon!
Isulong ang progresibo, makabayan, makamasang pampublikong transportasyon!