09/11/2026
Complaint ng Isang Homeowner sa BF Resort Village, Las Piñas City
Isang homeowner ang nagreklamo sa BFRV Clubhouse at sa Barangay tungkol sa isang bakanteng lote sa loob ng BF Resort Village na ginawang tambakan o tapunan ng mga basura.
Ayon sa report, ilang araw na ang nakalipas nang may nagtapon ng ilang kilo ng patay na isdang tilapia sa nasabing bakanteng lote. Kalaunan, napansin na lamang ang hindi kanais-nais na amoy na nagmumula rito.
Bilang pansamantalang solusyon, ang mga nabubulok na isda ay inilibing sa nasabing lote upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng mabahong amoy.
Agad itong pinuntahan at ininspeksyon ng mga personnel ng BFRV Clubhouse at ng Barangay Talon Dos sa pamamagitan ng Team Kaayusan. Sa kanilang pagbisita, nakita nila ang tambak na basura at ang bunton ng lupa kung saan ibinaon ang mga nabubulok na isda.
Pakiusap po sa ating mga residente, lalo na sa mga nakatira sa mga kalapit na lugar, na maging responsable tayo sa pagtatapon ng ating mga basura.
Huwag po nating gawing tapunan ng basura ang mga bakanteng lote.
Bukod sa mabahong amoy, maaari itong pagmulan ng peste, sakit at iba pang panganib sa kalusugan ng ating mga kababayan.
Ang kalinisan ay hindi lamang responsibilidad ng Barangay o ng BFRVTHAI. Ito ay tungkulin ng bawat isa sa atin.
Magtulungan po tayo upang mapanatiling malinis, maayos at ligtas ang ating komunidad.
Disiplina at malasakit sa kapwa ang kailangan natin!
Mabuhay ang BF Resort Village Talon Homeowner's Association!
Mabuhay ang Barangay Talon Dos!