09/11/2026
“Sama-samang pananampalataya, nagkakaisang paglilingkod, at pagmamahal na nagdadala ng pag-asa sa bawat tahanan.”
Naging makabuluhan at puno ng biyaya ang pagdaraos ng Pastoral CAREavan sa Barangay Malitam noong Nobyembre 7, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-445 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Minor Basilica and Parish of the Immaculate Conception at paggunita sa World Day of the Poor.
Nagsimula ang makabuluhang gawain sa pamamagitan ng motorcade mula sa Minor Basilica, na sinundan ng prusisyon mula sa Barangay Malitam Hall patungo sa Malitam Elementary School. Sinundan ito ng Banal na Misa at pagdiriwang ng mga Sakramento na pinangunahan ni Rev. Msgr. Ruben Dimaculangan, Vicar General ng Arkidiyosesis ng Lipa.
Bilang bahagi ng misyon ng Simbahan na maghatid ng pananampalataya, pagmamahal at malasakit sa kapwa, maraming residente ang nabigyan ng pagkakataong makatanggap ng mga sumusunod na sakramento at pagpapala:
* 309 katao ang tumanggap ng Sakramento ng Kumpil.
* 96 tahanan ang pinagkalooban ng basbas sa pamamagitan ng House Blessing.
* 55 katao ang tumanggap ng Sakramento ng Binyag.
* 23 katao ang nakatanggap ng Pagpapahid ng Langis sa mga Maysakit.
* 8 magkasintahan ang pinag-isa sa Sakramento ng Kasal.
* 3 bata ang tumanggap ng kanilang Unang Komunyon.
Matapos ang mga banal na pagdiriwang, isinagawa rin ang iba’t ibang serbisyong pastoral at pangkomunidad na kinabibilangan ng libreng serbisyong medikal at dental, libreng konsultasyong legal, oryentasyon tungkol sa VAWC, at pamamahagi ng mga kagamitang debosyonal.
Ang gawaing ito ay patunay na ang tunay na diwa ng pananampalataya ay hindi lamang nasusukat sa pananalangin, kundi higit sa lahat ay naipapakita sa pamamagitan ng paglilingkod, pagkalinga at pagmamahal sa kapwa.
Taos-puso ang pasasalamat ng Barangay Malitam sa Minor Basilica and Parish of the Immaculate Conception, sa mga pari, lingkod-Simbahan, volunteers, at sa lahat ng naging bahagi ng matagumpay na gawaing ito.
Nawa’y patuloy tayong maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng kabutihan, pagkakaisa at pag-asa sa ating pamayanan.
Sama-sama sa pananampalataya, sama-sama sa paglilingkod, at sama-sama sa pagbuo ng isang pamayanang may malasakit sa bawat isa.