22/10/2026
𝐌𝐮𝐥𝐭𝐢-𝐏𝐮𝐫𝐩𝐨𝐬𝐞 𝐁𝐮𝐢𝐥𝐝𝐢𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐒𝐞𝐫𝐛𝐢𝐬𝐲𝐨 𝐬𝐚 M𝐚𝐦𝐚𝐦𝐚𝐲𝐚𝐧, 𝐈𝐬𝐢𝐧𝐮𝐬𝐮𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐬𝐚 𝐌𝐚𝐥𝐨𝐥𝐨𝐬
Tinalakay ng Lupon sa Paglilingkod sa Lipunan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang Board Resolution No. 1, S. 2026 o ang “Resolution Recommending the Establishment of a Multi-Purpose Building for Government and Community-Related Activities” nitong Oktubre 20, 2026, sa Bulwagang Teodulo C. Natividad, ikalimang palapag ng New Malolos City Hall Building, Bulihan, Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Sa pangunguna ni Konsehal John Vincent G. Vitug III, tinalakay ng lupon ang panukalang pagtatatag ng isang gusaling magsisilbing sentro para sa mga aktibidad ng pamahalaan at mga serbisyong nakatuon sa pangangailangan ng komunidad.
Nagpahayag naman ng suporta si Konsehal Victorino Troi Aldaba III sa panukala, at binigyang-diin ang hangarin ng Sangguniang Panlungsod na maging bahagi ng pagsasakatuparan ng proyektong ito.
Ayon kay POPCOM Officer Joemari Caluag, kabilang sa mga panukalang ilagay sa gusali ang mga tanggapang nangangasiwa sa Alternative Child Care Program (ACCP), mga serbisyo para sa mga solo parent, at iba pang programang pinangangasiwaan ng kanilang tanggapan. Sa pamamagitan nito, layong mapagsama-sama sa iisang lugar ang mga kaugnay na serbisyo upang mas maging maginhawa at mas madaling ma-access ng mga mamamayan ang tulong na kanilang kinakailangan.
Dumalo rin sa pagpupulong si Konsehal Miel Arthem B. Agustin, kasama ang mga kinatawan ng mga tanggapang kabilang sa Lupon sa Paglilingkod Lipunan; City Administrator's Office, Business Permit and Licensing Office, City Social Welfare and Development Office, Local Civil Registrar's Office, City Engineering Office, City Legal Office, City Health Office, City Training Employment and Cooperative Office, City Budget Office, City Information Office, City Planning and Development Office, City Environment and Natural Resources Office, at City Accounting Office.