27/10/2026
| Nagsagawa ang Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ng magkakahiwalay na pagpupulong kasama ang mga lokal na pamahalaan ng Mapanas, Northern Samar, Puerto Princesa City, at Cabadbaran City, Agusan del Norte sa PFDA Central Office sa Diliman, Quezon City, noong Oktubre 15 at 19, 2026, upang talakayin at isulong ang pagpapaunlad ng mga modernized fishery post-harvest facilities sa kani-kanilang mga lugar.
Pinangunahan ni PFDA Acting General Manager Atty. Glen A. Pangapalan ang mga pagpupulong, na kinabibilangan ng presentasyon ng Site Development Plan at perspective ng bawat proyekto, gayundin ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) at Memorandum of Agreement (MOA) bilang bahagi ng pagpapatibay ng pakikipagtulungan sa mga LGU para sa pagtatayo ng mga fish port.
Noong Oktubre 15, tinalakay ang pagtatayo ng Mapanas Fish Port sa Northern Samar sa pakikipagpulong kay Mapanas Municipal Mayor Atty. Ronn Michael L. Tejano. Sa pamamagitan ng presentasyon ng Site Development Plan at perspective, kasama ang paglagda sa MOU at MOA, isinusulong ng proyekto ang pagkakaroon ng kinakailangang imprastraktura para sa maayos na unloading, pangangalaga, at pagbebenta ng mga fishery products ng munisipalidad. Layunin din ng proyekto na buhayin ang industriya ng pangingisda sa Mapanas at mahikayat ang mas maraming kabataan na pasukin ang sektor ng pangisdaan. Inaasahang mapapabuti nito ang pag-handle at pagpreserba ng mga huli, mababawasan ang pagkalugi dahil sa pagkasira ng isda, at madaragdagan ang oportunidad sa trabaho at kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
Sa pagpupulong kasama si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron noong Oktubre 19, tinalakay ang pagtatatag ng Puerto Princesa Deep Water Port for Fish and Agri-Industrial Products, na magsisilbing Regional Fish Port ng MIMAROPA. Layunin ng proyekto na palakasin ang papel ng Puerto Princesa bilang pangunahing sentro ng pangisdaan at agri-industrial products sa rehiyon. Inaasahang mapapabuti nito ang fish unloading at handling, cold chain facilities, at market access, habang lumilikha ng mas maraming trabaho, nagpapalakas sa seguridad sa pagkain, at nagsusulong ng pangmatagalang paglago ng ekonomiya sa Palawan at karatig-lugar.
Samantala, nakipagpulong din ang mga opisyal ng PFDA sa mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Cabadbaran City, Agusan del Norte, sa pangunguna ni Mayor Judy Chin Amante, noong Oktubre 19, para sa planong pagtatayo ng Cabadbaran Modern Fish Port. Tampok sa pagpupulong ang presentasyon ng plano at perspektibo ng proyekto at ang paglagda sa MOU at MOA para sa konstruksyon nito. Sa pamamagitan ng makabago at climate-resilient na pasilidad, layunin nitong mapabuti ang kalidad at kalinisan ng mga produktong isda, mabawasan ang post-harvest losses, mapalawak ang oportunidad sa kabuhayan ng mga mangingisda at negosyante, at mapatatag ang ugnayan ng mga lokal na produkto sa mga pamilihan. Inaasahan ding makatutulong ito sa pagsusulong ng food safety at inklusibong pag-unlad sa Cabadbaran at mga karatig-munisipalidad.
Patuloy na pinagtitibay ng PFDA ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan upang makapagtayo ng mga modernong fish port at mapalakas ang imprastraktura ng sektor ng pangisdaan sa buong bansa. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, layunin ng PFDA na bigyang-kapangyarihan ang mga komunidad ng mangingisda, mapabuti ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong-dagat, at maghatid ng mas matatag na kabuhayan, seguridad sa pagkain, at napapanatiling pag-unlad para sa bawat rehiyon.
(Robert Gregory Q. Elardo at Mark Angelo N. Perez – Public Information Division mula sa ulat nina Benedict Miranda at Adrian Ronin Arada – IPCH)