26/10/2026
𝐎𝐖𝐖𝐀 𝐑𝐞𝐠𝐢𝐨𝐧 𝟏, 𝐍𝐚𝐠𝐡𝐚𝐭𝐢𝐝 𝐧𝐠 𝐒𝐞𝐫𝐛𝐢𝐬𝐲𝐨 𝐬𝐚 𝐦𝐚𝐡𝐢𝐠𝐢𝐭 𝟏,𝟔𝟎𝟎 𝐎𝐅𝐖𝐬 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐦𝐢𝐥𝐲𝐚 𝐬𝐚 𝐈𝐤𝐚𝐥𝐢𝐦𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐞𝐠 𝐧𝐠 𝐒𝐞𝐫𝐛𝐢𝐬𝐲𝐨 𝐂𝐚𝐫𝐚𝐯𝐚𝐧
Mahigit 1,600 Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya ang napaglingkuran sa One Ilocos for Overseas Filipinos: A Convergence Project na isinagawa noong Oktubre 22 sa Centennial Arena, Laoag City, Ilocos Norte, sa pamamagitan ng sama-samang paghahatid ng mga programa at serbisyo ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga katuwang mula sa pribadong sektor.
Pinangunahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Welfare Office I sa pangunga ni Regional Director Marivic L. Mondina ang paghahatid ng mga serbisyo sa ilalim ng Alagang OWWA Serbisyo Caravan, bilang bahagi ng 2026 Month of Overseas Filipinos (M*F) Migrant Fair.
Pinagsama ng aktibidad ang iba't ibang serbisyong naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga OFW, kilalanin ang kanilang kontribusyon sa bansa, at magbigay ng mga oportunidad para sa kanilang mga pamilya at sa mga nagbabalik na migranteng manggagawa.
Sa pamamagitan ng mga booth at service stations, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng mga ahensiya at institusyong nagbibigay ng suporta sa mga OFW at kanilang pamilya.
Nakiisa sa aktibidad sina Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Atty. Bernard P. Olalia, DMW Regional Director Christian Rey O. Sison, National Reintegration Center for OFWs (NRCO) Director IV Andy Anolin, Commission on Filipinos Overseas (CFO) Secretary Dante “Klink” Ang II, at OWWA Regional Operations Coordination Service (ROCS) representative Marne M. Halanes, kasama ang mga kinatawan ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Bilang bahagi ng mas malawak na Alagang OWWA Program, isinusulong ng Serbisyo Caravan ang Kalinga, Kaalaman, Kabuhayan, at Kalusugan bilang mga pangunahing haligi ng serbisyong may malasakit sa mga OFW. Hindi lamang ito nakatuon sa agarang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, kundi pati sa pagbibigay ng kaalaman at oportunidad na makatutulong sa kanilang paghahanda sa pagtatrabaho sa ibang bansa, pananatili sa ibayong-dagat, at pagbabalik sa Pilipinas.
Ang aktibidad sa Laoag City ang ikalima at panghuling leg ng Alagang OWWA Serbisyo Caravan sa Region 1 ngayong 2026, kasunod ng mga naunang caravan sa San Juan, La Union noong Hulyo 16; Binalonan, Pangasinan noong Agosto 27; Alaminos City, Pangasinan noong Setyembre 15; at Cabugao, Ilocos Sur noong Oktubre 8. Sa limang leg na ito, patuloy na pinalawak ng OWWA Region 1 ang pag-abot ng mga serbisyo sa iba't ibang komunidad sa rehiyon, katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan.