04/11/2026
𝗠𝗢𝗡𝗗𝗔𝗬 𝗠𝗢𝗢𝗗 𝗕𝗢𝗢𝗦𝗧
Isang Matino, Mahusay at Maasahang umaga po sa ating lahat!
Sa mga kasama ko sa DILG-NCR, ngayong Buwan ng Kamalayan sa Kapaligiran, nais ko lang pong magbahagi ng ilang saglit na pagninilay kung ano na nga ba ang estado ng ating kapaligiran ngayon at ano ang maari nating gawin sa hinaharap.
Sa tuwing nagsasagawa kami ng BRAVE Activities, ang ating programa para itaas ang kamalayan ng publiko sa Disaster Risk Reduction, may napapansin kami. Halos lahat ng pinag-uusapan natin tungkol sa sakuna ay may kaugnayan sa kapaligiran. Baha na dulot ng baradong estero. Landslide sa mga kalbong bundok. Matinding init at bagyong lalong lumalakas. Hindi po ito nagkataon lang. Ang kalikasan ay sumasagot sa kung paano natin ito itrato. Alam po natin kung ano ang itsura ng Metro Manila. Siksikan, mausok, at madalas ay baha tuwing umuulan. Hindi na po ito bago sa atin. Pero minsan, dahil araw-araw nating nakikita, nasasanay na tayo. Tinatanggap na lang natin na ganito talaga.
Pero hindi po dapat. May matandang kasabihan tayo: “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Ang isa sa mga pinanggalingan natin ay ang kalikasan. Dito galing ang hangin na ating hinihinga, ang tubig na ating iniinom, at ang pagkaing nasa ating hapag. Kung pababayaan natin ito, para na rin nating pinabayaan ang sarili nating kinabukasan.
Bilang mga lingkod-bayan, nakatingin po sa atin ang taumbayan. Kapag itinuturo natin sa mga komunidad ang tamang paghahanda, dapat makita rin nilang ginagawa natin ito. Hindi sapat na tayo ay nagsasalita sa harap ng mga tao. Dapat makita sa gawa natin na pinaniniwalaan natin at isinasabuhay natin ang ating itinuturo. Sa madaling salita, maging magandang halimbawa tayo sa ating mga kababayan.
𝗘𝗟𝗚𝗥𝗘𝗖𝗢 𝗕. 𝗙𝗟𝗢𝗥𝗘𝗦
𝗟𝗼𝗰𝗮𝗹 𝗚𝗼𝘃𝗲𝗿𝗻𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝘀 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲𝗿 𝗜𝗜𝗜
𝗟𝗼𝗰𝗮𝗹 𝗚𝗼𝘃𝗲𝗿𝗻𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗖𝗮𝗽𝗮𝗯𝗶𝗹𝗶𝘁𝘆 𝗗𝗲𝘃𝗲𝗹𝗼𝗽𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗗𝗶𝘃𝗶𝘀𝗶𝗼𝗻